MANILA, Philippines — Pararangalan bilang National Sports Association (NSA) of the Year ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Marso 6 sa The Manila Hotel.
Maningning ang kampanya ng boxing sa nakalipas na taon matapos magbigay ng karangalan sa iba’t ibang international tournaments.
Nangunguna na sa listahan si world champion Nesthy Petecio na binigyan ng gintong medalya ang Pilipinas sa AIBA Women’s World Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia.
Tinalo ni Petecio si hometown bet Liudmila Vorontsova sa pamamagitan ng split decision win sa finals ng featherweight division.
Nakasikwat naman ng pilak na medalya si Eumir Felix Marcial sa AIBA Men’s World Boxing Championships sa Yekaterinburg, Russia.
Ang 24-anyos Lunzuran, Zamboanga City pride ang ikatlong Pilipino na nakapilak sa world meet kasama sina light-flyweight Roel Velasco (1997) at Harry Tañamor (2007).
Nagparamdam din ng lakas si dating world champion Josie Gabuco.
Kumana ang 32-anyos veteran fighter ng ginto sa ASBC (Asian Boxing Confederation) Elite Boxing Championships sa Bangkok, Thailand.
Hindi nakaporma kay Gabuco si North Korean Kim Hyang Mi sa finals para angkinin ang korona sa women’s light-flyweight category.
Pinangunahan din nina Petecio, Gabuco at Marcial ang national team sa paghakot ng pitong gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games na ginanap sa Maynila.