MANILA, Philippines — Tatanggap na ng mga nominasyon ang Philippine Sports Hall of Fame (PSHOF) 2020 Committee na pinangungunahan ni Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez simula sa buwan ng Marso.
“This is good that we met early so we have ample time to study the nominations,” pahayag ni Ramirez pagkatapos ng kanilang unang pagtitipon kahapon.
Dumalo rin sa unang meeting ang mga miyembro ng screening committee na sina Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham Mitra, Philippine Olympic Committee Secretary-General Atty. Edwin Gastanes, Integrated Cycling Federation of the Philippines Secretary-General Atty. Avelino Sumagui, University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Executive Director Atty. Rene Saguisag Jr., at SEA Games gold medalist at Philippine Olympians Association President Akiko Thomson Guevara.
Ito na ang ika-apat na enshrinement ng mga atletang Pilipino na nag-uwi ng karangalan para sa bansa mula sa iba’t ibang international competitions.
Ang HOF ay alinsunod sa Republic Act No. 8757 na isa-batas noong Nobyembre 25, 1999.
Kasama rin sa pinag-aralan ng committee ang pagtataas sa cash gift na matatanggap ng mga awardees sa halagang P100,000.
“We will check if this is possible with the budget that we have,” ani Ramirez.
Ilalabas na rin ang patnubay para sa nasabing nominasyon ng mga bayaning atleta simula sa Marso 1.
Itinakda naman na gaganapin ang awards night sa Nobyembre 5.