Ancajas tuloy lang sa training

MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang ensayo ni reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight world champion Jerwin Ancajas para masigurong handang handa ito sa kanyang title defense kontra kay Mexican challenger Jonathan Rodriguez sa Abril.

Sinabi ni trainer Joven Jimenez na sumasailalim si Ancajas sa dalawang beses kada linggong sparring sa Dipolog City.

Puntirya ni Ancajas na mas mapalakas ang kanyang kamao kaya’t doble kayod ang ginagawa nito para maabot ang kumbinasyon ng power at speed.

Hindi pa perpekto ang kundisyon ni Ancajas ngunit ipinagmalaki ni Jimenez na nasa tamang porma na ito.

Kailangan na lang aniya na maplantsa ang ilang bagay para makuha ang peak form.

“Twice a week ang sparring niya. Naka-focus kami sa power without sacrificing his speed,” ani Jimenez.

Magtutuluy-tuloy ang ensayo ni Ancajas sa Dipolog City bago tumulak sa Amerika para ipagpatuloy ang kanyang training camp doon.

“We are ready 89 percent with still two months to go. He’s near in his best shape,” ani Jimenez.

Alam ni Ancajas na mapapalaban siya ng husto dahil hindi birong kalaban si Rodriguez.

Handa si Ancajas na ilabas ang lahat upang mapataob ang Mexican challenger.

Show comments