MANILA, Philippines — Muling umangat si Alex Eala sa world ranking kung saan inokupahan nito ang No. 4 spot sa International Tennis Federation (ITF) juniors.
Malaking tulong sa kanyang pag-angat ang matagumpay na kampanya sa 2020 Australian Open juniors.
Umani si Eala ng 1,718.75 puntos para sumulong mula sa ikawalo paak-yat ng ikaapat. Nangunguna pa rin si Diane Parry ng France na may 2,356.25 points, Australian Open girls’ singles champion Victoria Kasintseva ng Andorra na may 1,971.25 points at Daria Snigur ng Ukraine na may 1,930 points.
Nakatuwang ni Eala si Indonesian partner Priska Nugroho upang masungkit ang kampeonato sa girls’ doubles ng naturang Grand Slam event.
Pinataob nina Eala at Nugroho sina Matilda Mutavdzic ng Great Britain at Ziva Falkner ng Slovenia sa finals sa pamamagitan ng impresibong 6-1, 6-2 demolisyon.