Lady Knights sumosyo sa No. 4
MANILA, Philippines — Nasawata ng Colegio de San Juan de Letran ang Lyceum of the Philippines University, 26-28, 27-25, 16-25, 25-19, 16-14, para palakasin ang kanilang pag-asa sa Final Four ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Chamberlaine Cunada ng career-high na 28 points buhat sa 24 attacks, 3 blocks at 1 ace para buhatin ang Lady Knights sa ikatlong panalo.
Umangat ang Letran sa No. 4 spot kasalo ang San Beda University hawak ang magkatulad na 3-2 marka, habang nangunguna pa rin ang Saint Benilde (6-0), University of Perpetual Help System Dalta (5-1) at reigning champion Arellano University (5-1).
“Sobrang laking panalo ito para sa amin dahil nagkaroon kami ng liwanag doon sa No. 4,” ani Letran mentor Michael Inoferio.
Nakatuwang ni Cunada sa opensa si Julienne Castro na umiskor ng 15 attacks at 2 aces, habang nagbigay rin ng kanilang kontribusyon sina Anne Monteagudo at Kath Dela Cruz na may pinagsamang 17 hits.
Nasayang naman ang double-double performance nina Alexandra Rafael at Monica Jane Sevilla na parehong may 17 markers at 14 digs para sa Lady Pirates, bumagsak sa 2-4 marka.
- Latest