Eala No. 9 na sa world rankings
MANILA, Philippines — Sumulong si teen tennis sensation Alexandra Eala sa No. 9 sa world ranking ng International Tennis Federation (ITF) sa pagbubukas ng 2020 season.
Dalawang hakbang ang tinalon ni Eala mula sa kanyang dating ika-11 puwesto sa ranking.
Sa edad na 14-anyos, si Eala ang pinakabatang manlalaro sa Top 10.
Isa rin si Eala sa dalawang Asian players na nasa unahan ng listahan.
Nakalikom si Eala ng 1,452.5 puntos para okupahan ang pinakamataas na puwesto na nakuha nito sa world ranking.
Nangunguna si Diane Perry ng France na may 2,356.25 puntos kasunod sina Daria Snigur ng Ukraine (2,348.75), Leylah Annie Fernandez ng Canada (2,080), Alexa Noel ng Amerika (1,776.25), Natsumi Kawaguchi ng Japan (1,490), Elsa Jacquemot ng France (1,467.5), Robin Montgomery ng Amerika (1,467.50) at Kamilla Bartone ng Latvia (1,460).
Nasa ika-10 si Clara Tauson ng Denmark (1,298.75).
Noong 2019, nagkampeon ito sa Grade A event sa South Africa habang finalist at semifinalist ito sa dalawa pang Grade A tournaments sa Osaka, Japan at Orange Bowl sa Florida.
Nasilayan din sa aksiyon si Eala sa main draw ng US Open juniors championship kamakailan kung saan umabot ito sa girls’ singles second round ng naturang grand slam event.
Nahasa ng husto ang 14-anyos American International School of Mallorca stundent na si Eala sa Rafael Nadal Academy sa Spain kung saan hinahawakan ito ng beteranong mentor na si Daniel Gomez.
Miyembro rin si Eala ng national junior tennis team na nagtapos sa ikalimang puwesto sa ITF World Juniors Finals na ginanap sa Prostejov, Czech Republic noong Agosto.
- Latest