Pacquiao WBN Fighter of the Year
MANILA, Philippines — Nasungkit ni Pinoy champion Manny Pacquiao ang World Boxing News (WBN) Fighter of the Year para sa taong 2019.
Nakuha ng eight-division world champion ang parangal matapos manguna sa botohang isinagawa ng WBN sa kanilang official website.
Umani ang reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion ng 14,320 boto o 91.4 porsiyento ng kabuuang boto.
Nasa malayong ikalawa si World Boxing Organization light heavyweight titlist Canelo Alvarez na naglista lamang ng 481 boto (3.1%) habang ikatlo si World Boxing Association bantamweight at International Boxing Federation bantamweight champion Naoya Inoue na nakalikom ng 322 boto (2.1%).
Nasa No. 4 si WBA, IBO, WBO at IBO heavyweight champion Anthony Joshua na may 206 boto kasunod sina World Boxing Council heavyweight king Deontay Wilder (203), IBF at WBC welterweight champion Errol Spence Jr. (117) at WBC flyweight champion Juan Estrada (19).
Napamangha ni Pacquiao ang buong mundo nang magtala ito ng dalawang impresibong panalo noong nakaraang taon sa kabila ng kanyang edad.
Magarbong binuksan ni Pacquiao ang 2019 nang ilista nito ang unanimous decision win kay Adrien Broner sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada para madepensahan ang WBA regular welterweight title.
Muling umariba ang Pinoy champion noong Hulyo matapos dungisan ang rekord ni Keith Thurman sa pamamagitan ng split decision win para maagaw ang WBA super welterweight belt sa parehong venue.
Muling lalaban si Pacquiao sa Abril ngunit wala pang pinal na desisyon ang kanyang kampo kung sino ang makakasagupa nito sa title-defense.
- Latest