SACRAMENTO -- Kumamada si Paul George ng 21 points bukod sa mga season highs na 11 rebounds at 9 assists para banderahan ang Los Angeles Clippers sa 105-87 pagpapabagsak sa Kings.
Humugot naman si Kawhi Leonard ng 14 sa kanyang 24 points sa third quarter para akayin ang Los Angeles sa kanilang ika-14 sunod na panalo sa Sacramento sapul noong 2013.
Nagdagdag si Ivica Zubac ng 8 points at 13 rebounds at may 12 markers si Maurice Harkless.
Pinamunuan naman ni Richaun Holmes ang Kings, nahulog sa kanilang ika-walong dikit na kamalasan, mula sa kanyang 22 points at 10 rebounds.
Sa Toronto, umiskor si Kyle Lowry ng 24 points at naduplika ni Terence Davis ang kanyang career high na 19 markers para sa 117-97 paggupo ng Raptors sa Cleveland Cavaliers.
Kumolekta si Serge Ibaka ng 20 points at 10 rebounds at may 14 markers si Rondae Hollis-Jefferson para sa pang-limang sunod na panalo ng Toronto laban sa Cleveland.
Binanderahan ni Collin Sexton ang Cavaliers mula sa kanyang 22 points habang nagtala si Tristan Thompson ng 14 points at 11 rebounds.
Sa Oklahoma City, humataw sina Danilo Gallinari at Dennis Schroder ng tig-20 points habang isinalpak ni Chris Paul ang go-ahead basket sa huling 40.9 segundo para ihatid ang Thunder sa 106-101 panalo kontra sa Dallas Mavericks.
Ginawa ni Paul ang 13 sa kanyang 17 points sa fourth quarter at nagdagdag ng 8 rebounds at 7 assists para itaas ang Oklahoma City sa seventh place sa Western Conference standings.