Pacquiao: 2019 Fighter of the Year
Para sa boxing analyst
MANILA, Philippines — Walang iba kundi si reigning World Boxing Association (WBA) welterweight titlist Manny Pacquiao ang nararapat sa karangalan bilang Fighter of the Year sa taong 2019.
Ito ang pananaw ni boxing analyst Andre Ward na bilib sa kakayahan ni Pacquiao na kayang-kaya pang makipagsabayan sa mas batang mga boksingero.
“I think you can make an argument for Deontay Wilder (as Fighter of the Year), but I’m not going to go with Deontay Wilder. I’m going to go with Manny Pacquiao,” ani Ward sa panayam ng ESPN.
Isinelyo ni Pacquiao ang unanimous decision win kay dating four-division world champion Adrien Broner noong Enero para mapanatili ang kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight title.
Hataw pa si Pacquiao noong Hulyo nang dungisan nito ang dating malinis na rekord ni Keith Thurman sa bendisyon naman ng split decision win.
Sa edad na 40, si Pacquiao na ang oldest welterweight champion sa kasaysayan ng boksing.
Hindi matatawaran ang husay ng Pinoy champion dahil sa kabila ng kanyang edad, nagawa pa rin nitong magpasiklab na animo’y nasa peak ng kanyang boxing career.
Wala rin aniyang pinipiling kalaban si Pacquiao – mas bata man ito o mas matangkad.
Kabilang si Pacquiao sa mga kandidato sa Boxing Writers Association of America (BWAA) Sugar Ray Robinson Award Fighter Of The Year 2019.
Kasama ni Pacquiao sa listahan sina Canelo Alvarez, Naoya Inoue, Errol Spence Jr. at Josh Taylor.
- Latest