Bolts kinuryente ang Texters

Napatingin si Raymond Almazan ng Meralco nang mawala ang bola kay TNT Katropa import KJ McDaniels.
Kuha ni Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Halos hindi nakaupo si active consultant Mark Dickel sa kabuuan ng laro.

Ito ay dahil sa pagkaka­tambak ng kanyang TNT Katropa.

Bumalikwas ang Meralco Bolts mula sa naunang kabiguan para bigwasan ang Tropang Texters, 114-94, sa Game Two ng ka­ni­lang semifinals series pa­ra sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Ara­­neta Coliseum.

Itinabla ng Meralco sa 1-1 ang kanilang best-of-five semifinals wars ng TNT Katropa tampok ang tri­ple-double ni import Allen Durham.

Inangkin ng tropa ni Dickel ang Game One, 103-94, noong Linggo.

Binuksan ng Bolts ang bakbakan sa paglilista ng 21-5 abante bago ito ipad­yak sa 21-point lead, 37-16, mula sa salaksak ni point guard Anjo Caram sa 10:45 minuto ng second period kung saan natanggal ang kanyang kanang sapatos.

Lalo pang naiwanan ang Tropang Texters sa 111-88 mula sa slam dunk ni Durham sa huling tatlong minuto ng final canto.

Tumapos si Durham na may 44 points, 19 rebounds at 11 assists.

Samantala, kung muli ni­lang mapoposasan si NorthPort import Michael Qualls ay malaki ang tsansa ng Barangay Ginebra na makuha ang 2-1 bentahe sa kanilang serye.

Umiskor lamang si Qualls sa 20 points matapos magtala ng average na 33.6 markers per game sa 113-88 panalao ng Gin Kings sa Batang Pier sa Game Two noong Lunes.

Puntirya ng Ginebra na makuha ang 2-1 abante sa pagsagupa sa NorthPort sa Game Three ngayong alas-7 ng gabi.

Nagsalpak ang Gin Kings ng 14 triples sa Game Two kung saan ang li­ma rito ay mula kay Stanley Pringle na tumapos na may 23 points, 5 assists, 3 rebounds at 3 steals.

“We shot the ball well, and we had a good game de­fensively,” wika ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone laban sa Batang Pier.

Show comments