MANILA, Philippines — Kumonekta si Dennis Daa ng buzzer-beater jumper sa huling apat na segundo para ilusot ang Basilan Steel laban sa Sarangani Province, 85-82, sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL)-Chooks-to-Go Lakan Cup sa Sta. Rosa Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Naibaba na sana ng Marlins sa 82-83 ang agwat, ngunit lakas loob na umiskor si Daa para makopo ng Steel ang pang-15 panalo sa 23 laro at palakasin ang paghawak sa ikaapat na puwesto sa Southern Division.
May sapat na oras pa ang Marlins upang itabla ang laban, pero nagmintis si Jorem Morada sa kanyang three-point attempt.
Nagtala si Cris Dumapig ng 15 points at 18 rebounds, habang tumapos si Daa na may 15 markers at 9 rebounds.
Nanatili ang Marlins sa ilalim ng team standings sa kanilang 1-22 marka.
Sa iba pang laro, nagwagi naman ang Biñan City Luxxe White Krah laban sa Imus Bandera, 88-83, para umangat sa 10-14 record at ihulog ang Bandera sa 5-20 sa Southern group.
Naglista si Mark Acosta na may 17 points, 2 boards at 2 steals at may 15 markers naman si Clark Daniel Bautista para sa Biñan City.
Umiskor ng 13 points si Gerald Anderson sa panig ng Imus.