MANILA, Philippines — Matapos ang Southeast Asian Games, tutumbok naman ang limang Pinoy cue masters sa prestihiyosong 2019 World 9-Ball Championship na lalarga ngayong araw sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Ibabandera ng Pilipinas si dating world champion Carlo Biado na magtatangkang mabawi ang kampeonato na napanalunan nito noong 2017 edisyon ng torneo.
Noong nakaraang taon, hindi naipagtanggol ni Biado ang kanyang korona makaraang matalo ito kay Joshua Filler ng Germany sa championship round,10-13, para magkasya sa runner-up trophy.
Maliban kay Biado, aariba rin sina Johann Chua, Jeffrey Ignacio, Jerico Bonus at 2004 World 9-Ball titlist Filipino-Canadian Alex Pagulayan.
Ilalabas nina Biado, Chua at Ignacio ang ngitngit nito matapos mabigong makasungkit ng gintong medalya sa katatapos na 2019 Southeast Asian Games sa Maynila.
Nagkasya lamang sa tanso sina Biado at Chua sa men’s 9-ball pool doubles habang tanso rin sina Ignacio at Warren Kiamco sa parehong event.
Hindi rin nadepensahan ni Biado ang kanyang men’s 9-ball pool singles crown na napanalunan noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Kaya naman mas determinado ang Pinoy squad na makabawi sa World 9-Ball event na lalahukan ng 96 matitikas na manlalaro sa mundo.
Sasalang din sa torneo sina 2012 World 9-ball champion and Hall of Famer Darren Appleton ng Great Britain, 2014 World 9-ball Champion Niels Feijen ng Netherlands, Eklent Kaci ng Albania at dating World 9-ball champions Albin Ouschan ng Austria.