Patrombon-Alcantara duo humataw ng ginto
MANILA, Philippines — Nakumpleto ng Pinoy netters ang 1-2 punch sa men’s doubles event ng 2019 Southeast Asian Games tennis competitions kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Manila.
Napasakamay nina dating Australian Open junior campaigners Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon ang gintong medalya nang gapiin ng dalawa ang mas beteranong kababayan na sina Filipino-Americans Treat Conrad Huey at Ruben Gonzales sa iskor na 7-6, 7-5.
Gitgitan ang laban mula umpisa hanggang dulo ng bakbakan.
Nakabaon sa 3-5 sina Alcantara at Patrombon sa first set ngunit nagawa nilang makabalik sa porma gamit ang matikas na game plan para makuha ang naturang yugto.
Hindi agad sumuko sina Huey at Gonzales sa second set nang makipagsabayan ang dalawa sa mas batang sina Alcantara at Patrombon.
Subalit isang krusyal na error ang naibigay nina Huey at Gonzales sa huling sandali ng laro para tuluyang ipaubaya ang ginto kina Alcantara at Patrombon. Sanay na si Alcantara sa doubles.
Sa katunayan, nagkampeon ito sa Australian Open juniors doubles noong 2009 kasama si Taiwanese Hsieh Cheng Peng.
Sa kabilang banda, umabot si Patrombon sa quarterfinals ng Australian Open juniors singles event noon namang 2011.
Huling nakaginto ang Pilipinas sa tennis noong 2015 SEA Games sa Singapore mula kina Huey at Denise Dy sa mixed doubles event.
- Latest