PASIG, Philippines — Daraan sa matinding pagsubok ang Pinay spikers sa pagharap nito sa 11-time champion Thailand ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2019 Southeast Asian Games women’s volleyball competition sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang duwelo ng Pilipinas at Thailand sa alas-6 nggabi matapos ang paluan ng Indonesia at Vietnam sa alas-3:30 ng hapon.
Galing ang Pinas squad sa masaklap na 25-21, 23-25, 19-25, 25-20, 8-15 kabiguan sa Vietnam noong Martes para mahulog sa 0-1 rekord.
Nagpasabog si Alyssa Valdez ng 22 puntos mula sa 20 attacks at dalawang aces sa naturang laro habang nagdagdag naman ng tig-12 markers sina Ces Molina at Jovelyn Gonzaga para pamunuan ang pambansang koponan.
May 10 hits naman si Majoy Baron at pinagsamang 15 markers sina Mylene Paat, Aby Maraño at Maddie Madayag.
Subalit kapos pa rin ito para makuha ng Pilipinas ang panalo matapos umariba ng husto si Tran Thi Than Thuy na kumana ng 27 hits para sa Vietnam.
Naging matibay na armas pa ng Vietnamese ang solidong depensa sa net kung saan nakakuha ito ng 15 block points.
Pasakit pa ang 30 errors ng Pinay spikers.
Kaya naman malaking adjustments ang gagawin ni national team head coach Shaq Delos Santos bago harapin ng kaniyang tropa ang powerhouse Thailand.
Magaan ang simula ng Thailand na Inilampaso ang Indonesia sa kanilang unang laro, 25-13, 25-15, 25-9.