Yulo naka-isa na
MANILA, Philippines — Maningning ang simula ni world champion Carlos Edriel Yulo matapos sungkitin ang gintong medalya sa men’s individual all-around event ng 2019 Southeast Asian Games men’s artistic gymnastics competition kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Nakalikom si Yulo ng impresibong 84.900 puntos upang bigyan ng dahilan ang mahigit 6,000 na nanood sa venue para magdiwang.
Nagrehistro si Yulo ng 14.650 sa floor exercise, 13.600 sa pommel horse, 13.600 sa still rings, 14.900 sa vault, 14.400 sa parallel bars at 13.750 sa horizontal bars.
“Hindi ko ini-expect na mananalo ako ng medals sa mga competitions na sinasalihan ko. Medyo kinabahan talaga ako dahil sa support ng crowd sa akin. Sobrang thankful ako sa lahat ng sumuporta sa akin,” wika ni Yulo.
Inilatag ni Yulo ang pinkasolidong porma na natutunan nito sa ilang taong pagsasanay sa Tokyo, Japan upang ilampaso ang lahat ng kanyang karibal.
Tinalo ni Yulo sina Vietnamese gymnasts Dinh Phuong Thanh na nagtala lamang ng 82.350 sapat para sa pilak at Le Thanh Tung na may 81.700 na siyang umangkin sa tansong medalya.
Nasa ikaapat si Saputra Muhammad ng Indonesia (75.500) at ikalima naman si Karn Boon Ratthasat ng Thailand (69.800).
Target ni Yulo na walisin ang lahat ng pitong gintong medalyang nakataya sa kanyang event.
Sunod na sasalang si Yulo sa anim pang events – pommel horse, still rings, parallel bars, horizontal bars, vault at ang kanyang paboritong floor exercise.
- Latest