Sultan Bolkiah dadalo sa opening

MANILA, Philippines — Dadaluhan ni Brunei Sultan Haji Hassanal Bolkiah ang opening ceremonies nga­yong araw ng 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Ito ang kinumpirma ni Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) chief operating officer (COO) Ramon “Tatz” Suzara kahapon nang nagsabi na ang 73-anyos na si Bolkiah, ang tanging Head of State mula sa 11-bansa ng Southeast Asia na darating upang manood sa inaasahang makulay at nakakasabik na pagbubukas ng biennial meet.

Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang pormal na magde-deklara sa opisyal na pagbubukas ng 2019 edisyon ng SEA  Games sa harap ng mga opisyales at mga atleta na sasabak sa 56 sports disciplines at mahigit 530 gintong medalya na nakataya sa 12-araw na kumpetisyon.

Naging tradisyon na ng SEA  Games simula noong 1959 sa Bangkok, Thailand na ang Head of State ng host country mismo ang mag-deklara sa pagbubukas ng mga laro sa opening ceremonies.

Sinabi pa ni Suzara na dalawang mga opisyales mula sa International Olympic Committee (IOC) at dalawa rin mula sa Olympic Council of Asia ang darating para mag-obserba sa pagdaraos ng SEA Games na tinaguriang “The Olympic” of South East Asia..

Show comments