Pinoy paddlers nag-uwi ng 6 ginto sa Guam tourney
MANILA, Philippines — Humakot ang Pinoy paddlers ng anim na gintong medalya kasama ang dalawang overall championship crowns sa magkaibang dibisyon sa 4th Guam Thanksgiving Day Dragon Boat Festival na ginanap sa Guam, USA.
Nasungkit ng Pilipinas ang overall titles sa 200m event at 400m event kung saan tinalo nito ang mga koponan mula sa Guam, Singapore, Hong Kong, Japan, South Korea at Chinese-Taipei.
Unang umarangkada ang Pinoy squad sa women’s 200m small boat (12-seater) event matapos magtala ng dalawang minuto at 25.54 segundo para sa gintong medalya.
Agad itong sinundan ng koponan nang pagreynahan ang women’s 400m small boat (12-seater) event sa bilis na 5:30.04 kung saan tinalo ng tropa ang Hong Kong na nagrehistro naman ng 5:44.61 para magkasya sa pilak.
Muling humataw ang Pilipinas sa mixed 200m standard boat (22-seater) category matapos maglista ng 2:02.46 kasunod ang pamamayagpag sa mixed 400m standard boat (22-seater) bunsod ng nakuha nitong 4:41.27.
Hindi nagpaawat ang delegasyon ng Pilipinas sa huling araw ng bakbakan makaraang angkinin nito ang ginto sa 200m open small boat (12-seater) taglay ang impresibong 1:02.03 para sa ginto.
Magarbong tinapos ng Pinoy paddlers ang kampanya nito nang angkinin ang ginto sa 400m open small boat (12-seater) sa oras na 2:20.32.
- Latest