MANILA,Philippines — Bubuksan ngayon ng Team Philippines ang medal campaign sa netball at floorball competitions ng 30th Southeast Asian Games.
Lalabanan ng Nationals ang Indonesia sa men’s at women’s floorball sa ganap na ala-1 ng hapon at alas-7 ng gabi, ayon sa pagkakasunod, sa UP College of Human Kinetics sa Quezon City.
Haharapin naman ng Philippine squad ang mga Singaporeans sa netball sa alas-3 ng hapon sa Sta. Rosa Multi-Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Magtatagpo ang Malaysia at Thailand sa isa pang floorball match, isang indoor team sport na itinampok bilang demo event noong 2013 edisyon ng SEA Games na idinaos sa Myanmar.
Ito ay naging official sport noong 2017 SEA Games sa Singapore.
Ang floorball ay isang klase ng floor hockey na may limang players at isang goalkeeper sa bawat koponan.
Para manalo ay kailangang umiskor ng mas maraming goals ang isang tropa ayon sa patakaran.
Kukumpleto sa five-country cast sa floorball ang Singapore, ang nagwagi sa men’s at women’s division noong 2017 SEA Games.
Halos kagaya ng basketball, ang bawat koponan sa netball ay binubuo ng pitong players at kailangang umiskor ng mas maraming goals sa loob ng apat na 15-minute quarters.
Ngunit hindi katulad sa basketball, ang netball rings ay walang backboard.
Ang bawat player ay pinapayagan lamang humawak ng bola sa loob ng tatlong segundo bago ito ipasa o itira.