Suns sinilat ang warriors, Curry nabalian ng kamay

Kaagad dinala ang two-time NBA Most Va­luable Player sa locker room kasunod ang pahayag ng Golden State na nabalian ng kaliwang kamay ang kanilang star playmaker.
Noah Graham/AFP

SAN FRANCISCO -- Nagsalpak si Ricky Rubio ng dalawa sa limang three-pointers ng Phoenix sa pinakawalang 21-0 atake sa first quarter patungo sa 121-110 paggupo sa Golden State Warriors.

Sa natitirang apat na minuto sa third quarter kung saan angat ang Suns sa 83-54 ay bumangga si Warriors guard Stephen Curry kay center Aron Baynes sa kanyang sa­laksak.

Bumagsak siya at nada­ganan ang kanyang kaliwang braso.

Kaagad dinala ang two-time NBA Most Va­luable Player sa locker room kasunod ang pahayag ng Golden State na nabalian ng kaliwang kamay ang kanilang star playmaker.

Hindi pa naglalaro para sa Warriors si Klay Thompson (torn ACL) na sasamahan ni Curry sa maagang bakasyon.

Mula sa 10-9 abante ay ibinaon ng Phoenix ang five-time defending Wes­tern Conference cham­pions sa 30-10 kung saan sila nagpaulan ng limang triples sa first period.

Sa Washington, nagpasabog si James Harden ng 59 points, kasama rito ang isang free throw sa huling 2.4 segundo ng final canto, para akayin ang Houston Rockets sa 159-158 paglusot laban sa Wizards.

Itinala ni Russell Westbrook ang kanyang ikalawang triple-double sa season sa tinapos niyang 14 points, 12 assists at 10 rebounds para sa Rockets.

Humataw naman si Bradley Beal ng 46 points sa panig ng Wizards.

Sa Toronto, nagtala si Pascal Siakam ng 30 points, kasama ang 19 sa third periods habang nagdagdag si Fred VanVleet ng 13 points at 11 assists sa 125-113 panalo ng Raptors kontra sa Detroit Pistons.

Ito ang ikaapat na tagumpay ng Toronto sa una nilang limang laro sa season.

Sa Salt Lake City, nag-lista si guard Mike Conley ng 29 points para ihatid ang Utah Jazz sa 110-96 panalo laban sa Los Angeles Clippers.

Hindi naglaro si Kawhi Leonard para sa Clippers matapos ipahinga ni coach Doc Rivers.

Show comments