Standhardinger dinala ng SMBeer sa NorthPort

MANILA, Philippines — Ginulantang ng San Miguel Beer ang buong sambayanan kahapon nang ibigay nito si Rookie Draft top pick Christian Standhardinger sa NorthPort kapalit ni slotman Mo Tautuaa.

Aprubado ng PBA Commissioner’s Office ang naturang trade.

Inaasahang magiging malaking tulong si Tautuaa sa kampanya ng Beermen na makuha ang Grand Slam – ang ikalawa ng prangkisa sa liga.

Unang masisilayan si Tautuaa suot ang Beermen jersey sa Linggo laban sa Columbian Dyip sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kabilang banda, agad na makakasagupa ni Standhardinger ang kanyang dating katropa dahil magtutuos ang Batang Pier at Beermen sa Oktubre 23 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Tumagal din ng limang kumperensiya si Standhardinger sa kampo ng Beermen.

Kinuha ito ng SMB bilang top pick noong 2017 Rookie Draft.

Naging bahagi ito ng champion team sa Philippine Cup (2019) at Commissioner’s Cup (2019) habang kasama ang Filipino-German cager sa All-Rookie Team noong 2018.

Mayroon lamang 3.5 points at 4.0 rebounds si Standhardinger sa apat na laro sa ginaganap na Governors’ Cup.

Sa kabilang banda, top pick si Tautuaa ng Talk ‘N Text noong 2015 draft.

Ngunit na-trade ito ng TNT sa NorthPort noong nakaraang taon.

Samantala, para sagi­pin ang kanilang kampanya ay plano ng Rain or Shine na palitan ang kanilang import sa kasagsagan ng elimination round ng 2019 PBA Governor’s Cup.

Sa 71-78 pagkatalo ng Elasto Painters laban sa Alaska Aces noong Linggo ay nagtala si reinforcement Kayel Locke ng game-best na 25 points bukod pa ang 10 rebounds.

Ayon kay head coach Caloy Garcia, may ilang pagkakataon sa nasabing laro na hindi nagkaintindihan si Locke at kanyang Rain or Shine teammates.

“We will review the game tape, decide if we need somebody else,” wika ni Garcia sa posible nilang pagpapauwi kay Locke.

Nahulog ang Elasto Painters sa kanilang pang-apat na sunod na kamalasan na nagtabla sa kanila sa Aces sa 1-5 sa ilalim ng team standings.

Show comments