Union Bell nagbulsa ng P600K sa Juvenile Stakes Race
MANILA, Philippines — Umarangkada ang Union Bell sa huling 200 metro laban sa mga bigating karibal para itakbo ang premyong P600,000 sa 1st leg ng 2019 Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Fillies and Colts Stakes Race sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite noong Linggo.
Humarurot ang Union Bell sa paggiya ni star jockey JB Hernandez sa huling 200 metro sa maikling 1,200-meter race patungo sa pagtawid sa finish line.
“Okay naman ‘yung alis namin, maganda, segundo puwesto kaagad. Doon pa lang sa tres octavo, alam ko matulin na matulin na ‘yung grupo. ‘Yung kabayo ko gusto na lumaban, sabi ko sa rekta na lang,” ani Hernandez na sumungkit sa kanyang ikalawang sunod na panalo sa pagsakay sa Union Bell.
Sumegunda naman ang Make Some Noise (jockey RO Niu Jr.) kasunod ang Lucky Savings (jockey AR Villegas) sa stakes race na nagparada sa mga pinakamagagaling na two-year-old na kabayo sa bansa.
Nagtala ang Union Bell ng bilis na isang minuto at 11 segundo (23.4, 21.8, 25) at nagbigay sa Bell Racing Stable ng prem-yong P600,000 mula sa kabuuang P1,040,000 na handog ng Philracom.
Tinanggap ni horse owner Elmer de Leon ng Bell Racing Stable ang tropeo mula kina Philracom Commissioner Reli de Leon, Philippine Racing Club Inc. manager Oyet Alcasid at club handicapper Donnie Selda.
Ang Make Some Noise ay nagbulsa ng P225,000, samantalang nag-uwi naman ng P125,000 ang Lucky Savings.
- Latest