MANILA, Philippines — Pinabagsak ng BaliPure ang Philippine Air Force, 25-23, 12-25, 27-29, 25-23, 15-11, para makuha ang ikaapat na panalo sa 2019 Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pumutok nang husto si Grace Bombita na nagpasabog ng 26 points mula sa 19 attacks, 4 aces at 3 blocks kasama pa ang 17 digs para dalhin ang Water Defenders sa 4-10 marka.
Solido ang suporta ni Menchie Tubiera na nagtala ng 19 hits at 12 receptions, habang umiskor si middle blocker Satrianni Espiritu ng 12 markers tampok ang 6 blocks.
Sibak na sa semis ang BaliPure ngunit naglatag pa rin sila ng matikas na laro.
Nanganganib namang mamaalam sa kontensyon ang Air Force na lumagapak sa 5-7 marka.
Nanguna para sa Lady Jet Spikers si Mary Ann Pantino na may 16 hits.
Sa Collegiate Conference, naisaayos ng University of Santo Tomas at Adamson University ang paghaharap sa best-of-three championship series matapos sibakin ang kani-kanilang karibal sa ‘rubber match’ ng semis.
Pinatalsik ng Tigresses ang reigning UAAP champion na Ateneo Lady Eagles, 20-25, 25-20, 25-17, 19-25, 16-14, habang nanaig naman ang Lady Falcons laban sa College of Saint Benilde Lady Blazers sa iskor na 25-18, 14-25, 25-17, 25-15.