Perlas Spikers nakasilip ng tsansa sa semis

MANILA, Philippines — Nakabalik sa porma ang BanKo Perlas nang pataubin nito ang Motolite sa pamamagitan ng 25-21, 25-19, 25-21 straight set win para mapalakas ang tsansa sa semis sa 2019 Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Halimaw si Dzi Gervacio na bumanat ng 20 puntos tampok ang 19 attacks upang manduhan ang opensa ng Perlas Spikers na sumulong sa 7-5 baraha.

“Yung attitude sa loob ng court No. 1 yun, whatever happens the good or bad, dapat everything’s positive at saka may reminder kami na we should always help each other,” wika ni Gervacio.

Nakatulong din si dating Shakey’s V-League MVP Sue Roces na nagrehistro ng 13 hits habang nagdagdag naman si wing spiker Nicole Tiamzon ng 12 markers.

Nakagawa ang BanKo Perlas ng 47 attacks sa tulong ni playmaker Jem Ferrer na naglista ng 30 excellent sets.

Nakabawi ang Perlas Spikers matapos lumasap ng five-set loss sa Power Builders sa first round ng eliminasyon.

Nahulog ang Motolite sa 7-4 marka.

Bumida si Diana Mae Carlos na umiskor ng 11 attacks at tatlong blocks habang nagsumite sina Isa Molde at Myla Pablo ng tig-10 puntos para sa Power Builders.

Magpapatuloy ang aksiyon ngayong araw tampok ang duwelo ng Pacific Town-Army at Choco Mucho sa alas-2 at ng nagdedepensang Creamline at Philippine Air Force sa alas-4.

Show comments