MANILA, Philippines — Malakas na boltahe ang pinakawalan ng Motolite sa huling sandali ng laro upang itakas ang 25-27, 15-25, 25-18, 25-17, 18-16 panalo laban sa Choco Mucho upang masolo ang No. 2 spot sa 2019 Premier Volleyball League Season 3 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina outside hitters Isa Molde at Bernadeth Flora para dalhin ang Power Builders sa ikaanim na panalo at tapusin ang first round tangan ang 6-2 marka.
Hawak na ng Motolite ang match point, 16-15, nang magbaon si Choco Mucho top scorer Kat Tolentino ng off-the-block hit para maitabla ang iskor sa 16-16.
Ngunit iyon na lamang ang nakayanan ng Flying Titans matapos magpakawala si Molde ng cross court attack na sinundan ng isa pang umaatikabong atake mula kay Flora para iselyo ng Power Builders ang panalo.
Sa katunayan ay nakabaon sa 7-10 agwat ang Motolite sa fifth set at muling pinatunayan ang kanilang “comeback queens” title nang unti-unting makadikit.
Isang solidong block ang ibinigay ni playmaker Iris Tolenada na sinundan ng off-the-block hit ni Flora at cross court ni Diana Mae Carlos para maitabla ang laro sa 10-10.
Nakatuwang din ng Power Builders si libero Thang Ponce na nagsumite ng 16 digs at siyam na excellent receptions.
Nahulog ang Choco Mucho sa 2-6 baraha.
Muling nasayang ang 33 points mula sa 31 attacks, isang block at isang ace na produksyon ni Tolentino para sa Flying Titans.
Sa Collegiate Conference, pinayuko ng reigning UAAP champion Ateneo de Manila University ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-18, 25-9, 25-17, para makuha ang No. 2 seed sa Group A hawak ang 4-1 marka.
Makakalaban ng Ateneo sa semis ang University of Santo Tomas (5-0) na top seed sa Group B.
Pasok din sa semis ang College of St. Benilde nang itarak ang 25-13, 25-16, 25-9 panalo kontra sa Technological Institute of the Philippines para harapin sa semis ang Group A No. 1 Adamson na may 5-0 baraha.