MANILA, Philippines — Ginulat ni national bowler Merwin Tan si legendary Paeng Nepomuceno at tinalo ni 2017 international champion Krizziah Tabora-Macatula si multi-titled Liza del Rosario para angkinin ang 2019 Bowling World Cup national titles.
Sina Tan at Tabora-Macatula ang kakatawan sa Pilipinas sa international finals sa Nobyembre 16-24 sa Palembang, Indonesia.
“I was surprised to beat Paeng, I’m so happy,” wika ng 20-anyos na si Tan, muling naging national champion matapos talunin si Nepomuceno, 2-0 (186-182 at 244-200), sa men’s finals sa Paeng’s Eastwood Bowl kahapon.
Nangako ang estudyante ng College of St. Benilde-Antipolo na si Tan, nagsimulang mag-bowling sa edad na 8-anyos, na lalo pang magsasanay para makopo ang pinapangarap na world title.
Noong nakaraang taon ay sumabak si Tan sa international event na idinaos sa Sam’s Town sa Las Vegas, Nevada.
Binigo naman ng 28-anyos na si Tabora-Macatula si Del Rosario, 2-0 (237-211 at 213-180), para sa tsansang muling magreyna sa international finals.
Nagkampeon si Tabora-Macatula noong 2017 sa Hermosillo, Mexico.
“I had actually stopped playing after winning the world crown because I’m busy working in our family business, but my dad convinced me to go back to bowling,” wika ni Tabora-Macatula.