Bacoor City Strikers tuloy sa pananalasa
MANILA, Philippines — Iginupo ng Bacoor City Strikers ang Bicol sa pamamagitan ng pahirapang 84-80 desisyon upang makuha ang ika-11 panalo sa 2019 MPBL Lakan Season sa Strike Gymnasium sa Bacoor, Cavite.
Kumana si Michael Canete ng walo sa 16 puntos nito sa fourth period habang nagdagdag naman si Mark Montuano ng 12 markers kabilang ang go-ahead three-point play sa endgame para makuha ng Strikers ang panalo.
Nagpasiklab din si Ian Melencio na siyang gumawa ng himala sa huling sandali ng laro.
Naisalpak ni Melencio ang umaatikabong tres kasunod ang steal mula kay Raffy Gusi para bigyan ng pagkakataon si Montuano na makumpleto ang and-one play sa huling 1:22 ng laban tungo sa 77-74 kalamangan ng Strikers.
“Ito po ay nagagawa dahil sa sipag ng ating manlalaro na nais bigyan kaligayahan at karangalan ang Bacooreños. Galing sa fans ang aming lakas,” ani Striker team owner Rep. Strike Revilla.
Umangat sa solong ikalawang puwesto ang Bacoor hawak ang 11-3 rekord.
“Salamat po sa lahat ng aming taga-suporta gayun din kay Sen. Manny Pacquiao na siyang nagpakahirap magkaroon ng ganitong klase ng paliga sa bansa na s’ya ring mag-iiwas sa droga sa mga kabataan,” dagdag ni Revilla.
Sa iba pang laro, wagi rin ang Pasig sa Cebu Sharks-Casino Ethyl Alcohol, 78-68 habang nanaig naman ang Quezon City sa Caloocan, 87-84.
- Latest