TNT lumamang uli
MANILA, Philippines — Tiniyak ng TNT Katropa na wala nang mangyayaring double overtime.
Nakabawi mula sa 17-point deficit sa second quarter, nagtayo ang Tropang Texters ng 15-point lead sa final canto para kunin ang 115-105 panalo laban sa San Miguel Beermen sa Game Three ng 2019 PBA Commissioner’s Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si RR Pogoy na may 29 points tampok ang 5-of-9 shooting sa three-point line.
“Gusto lang talaga naming bumawi kasi sayang ‘yung Game Two eh, parang sa amin na pero nawala pa,” wika ng dating King Tamaraw ng Far Eastern University.
Nauna nang kinuha ng TNT Katropa ang Game One, 109-96 noong nakaraang Linggo bago nakatabla ang San Miguel mula sa 127-125 double overtime win noong Miyerkules.
Inagaw ng Tropang Texters ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven title series ng Beermen.
Itinala ng San Miguel ang 36-19 abante sa pagsisimula ng second quarter kasunod ang inihulog na 24-0 bomba ng TNT Katropa sa pamumuno ni Jones para agawin ang 43-36 bentahe sa 4:26 minuto nito.
Binitbit ng Tropang Texters ang 55-50 abante sa halftime, tinampukan ng 22 points ni Jones, patungo sa pag-angkin sa nine-point lead, 86-78 laban sa Beermen sa pagsasara ng third quarter.
Lalo pa itong pinalobo ng TNT Katropa sa 100-85 matapos ang three-point shot ni Pogoy sa 7:25 minuto ng final canto na pinutol ng San Miguel sa 99-110.
Muling nagsalpak ng tres si Pogoy para ilayo ang Tropang Texters sa 113-99 sa huling 2:16 minuto ng labanan na hindi na naidikit ng Beermen.
Samantala, matapos walisin ang kanilang dalawang tune-up ay sasabak naman ang Gilas Pilipinas sa isang four-team mini pocket tournament sa Malaga, Spain.
Dumating sa nasabing lungsod ang Nationals noong Huwebes mula sa Guadalajara at kaagad sumabak sa ensayo para paghandaan ang nasabing torneo.
Unang makakatapat ng Gilas Pilpinas ang Congo ngayong ala-1:30 ng hapon (Manila time) sa Palacio de Portes Jose M. Martin Carpena.
- Latest