Laro Bukas(University of Perpetual Help Gym, Las Pinas City)
2 p.m. UPHSD vs LPU (Jrs)
4 p.m. UPHSD vs LPU (Srs)
MANILA, Philippines — Hindi natuloy ang lima sa anim na laro ng Season 95 NCAA basketball tournament kahapon matapos kanselahin ng Management Committee (Mancom) dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan dulot ng severe tropical storm Hanna.
Tatlong laro sa seniors division sa pagitan ng Letran Knights laban sa St. Benilde Blazers at ng San Beda Red Lions kontra sa Mapua Cardinals at sa San Sebastian Stags laban sa Arellano Chiefs sa FilOil Flying V Arena ang nakansela. Kahit ang juniors’ games ng SBU Red Cubs at Mapua Red Robins at ng SSC-R Staglets laban sa Arellano Braves ay nakansela rin.
Ang tanging laro na natuloy kahapon ay ang unang junior’s game sa alas-8 ng umaga kung saan nagwagi ang Intramuros-based Letran Squires laban CSB-LSGH Greenies, 69-66 para masungkit ang kanilang ikatlong panalo sa pitong laro habang nahulog naman ang Greenhills-based team sa 4-2 win-loss kartada.
“Due to the late suspension of classes, the games scheduled at 10:00 a.m. onwards for Tuesday are cancelled and shall be played on a date and time to be determined later. Tickets for canceled games shall be honored on the re-scheduled date,” ani Mancom chairman Peter Cayco ng host Arellano University.
Samantala, nagbigay ng mahigit P100k cash donation ang NCAA Mancom sa mga nasalanta ng 5.9 magnitude earthquake sa probinsiya ng Batanes noong nakaraang buwan.
Ayon kay Cayco, tatanggapin ng mga opisyales ng Batanes sa pamumuno ni Governor Marilou Cayco ang nasabing halaga sa halftime ng laro sa pagitan ng Letran at San Beda sa Sabado (Agosto 10) sa Cuneta Astrodome Pasay City.