Macado pasok sa finals

MANILA, Philippines — Inilabas ni Ramel Macado ang bagsik nito para makasikwat ng tiket sa finals ng 23rd Indonesian President’s Cup na ginaganap sa Labuan Bajo sa Indonesia.

Naitarak ni Macado ang agresibong first-round knockout win laban kay Gayan Indika Bandara ng Sri Lanka sa semifinals ng men’s light flyweight (49kg) division.

Matikas na inumpisahan ni Macado ang laban gamit ang matatalim na kumbinasyon dahilan upang hindi makaporma ang Sri Lankan bet at tuluyang itigil ang laban, may dalawang minuto at apat na segundo lamang sa orasan.

Makakasagupa ni Ma­cado sa gold-medal match si Neeraj Swami ng India na pinataob si Indonesian No.1 Kornelis Kwangu Langu sa pamamagitan ng 4-1 split decision win (30-27, 29-28, 30-27, 30-27, 28-29).

Nagkasya naman sa tansong medalya sina Crissan Paul Diacamos, Jun Milardo Ogayre at Claudine Veloso matapos matalo sa kani-kanilang semifinal bouts.

Show comments