MANILA, Philippines — Kumpara sa namahala sa mga nakaraang Batang Pinoy Finals, hindi prayoridad ng host Puerto Princesa City ang tanghaling overall champion.
“Sa akin, hindi ako naghahabol ng (overall) championship. Ang tinitingnan ko ay ‘yong health ng mga taga-Puerto Princesa City,” sabi kahapon ni Mayor Lucio Bayron. “Hindi talaga ako conscious na mag-champion kami. Secondary na lang siguro iyon.”
Lumagda si Bayron sa isang Memorandum of Agreement kasama si Philippine Sports Commission Officer-in-Charge at Commissioner Celia Kiram para sa pagdaraos ng 2019 Batang Pinoy Finals.
Nakatakda ang nasabing taunang sports meet para sa mga batang may edad 15-anyos pababa sa Agosto 25-31 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sa pamamagitan ni Project Director at PSC Deputy Director Atty. Guillermo B. Iroy Jr. ay pinasalamatan ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez si Bayron sa pagtanggap sa Batang Pinoy Finals bilang host province.
Kabuuang 31 sports events ang paglalabanan sa nasabing kompetisyon.