Petecio tiyak na sa silver

Nesthy Petecio

MANILA, Philippines — Bumanat pa ng panalo si Nesthy Petecio upang makapasok sa finals ng women’s featherweight (57 kg.) division kahapon sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.

Hindi nagpadaig ang 2014 World Championship silver medallist na si Petecio na naglunsad ng solidong atake para gulantangin si 2015 Asian Championships gold me­­dallist Peamwilai Laopeam ng Thailand.

Naitala ni Petecio ang split decision win.

Maingat si Petecio sa buong panahon ng laban kung saan naglabas ito ng matatalim na kumbinasyon kasabay ng matikas na depensa upang bigong makatama ang hometown bet.

Makakaharap ni Petecio sa finals ang isa pang Thai pug na si Nilawan Techasuep na nagsumite rin ng split decision win kay Liudmila Vorontsova ng Russia sa hiwalay na semis match.

Sa pag-entra sa finals, sigurado na si Petecio na makapag-uuwi ito ng $750 premyo o katumbas ng P37,000.

Bigo namang sumalo sa selebrasyon si Ian Clark Bautista na lumasap ng unanimous decision loss kay reigning Southeast Asian Games champion Butdee Chatchai-Decha ng Thailand sa semis ng men’s bantamweight (56 kg.) division.

Nagkasya sa tanso si Bautista kalakip ang $500 konsolasyon.

Show comments