SEMARANG, Indonesia -- Matapos ang ilang araw na paghihintay, nakasungkit din ang Pilipinas ng gintong medalya – isa sa swimming at isa sa athletics - sa 11th Asean School Games na ginaganap sa Jatidiri Sports Complex dito.
Bumandera sa Pilipinas si Philippine national junior record holder Samantha Therese Coronel makaraang mangibabaw sa girls’ 100m backstroke.
Naglagak si Coronel ng isang minuto at 6.59 segundo para hablutin ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa swimming event.
Nakamit naman ni Mishka Sy ang tansong medalya sa naitalang 1:07.84 sa parehong event, habang napasakamay ni Azmina Primidit Ulol (1:07.80) ng Indonesia ang pilak.
Isa pang gintong medalya ang nasikwat ng Pilipinas mula naman kay Ann Katherine Quitoy sa girls’ javelin throw sa athletics competition.
Bumato si Quitoy ng 47.05 metro para masiguro ang unang puwesto.
Tinalo ni Quitoy si Fira Firliana Yuni ng Indonesia na nagsumite ng 46.34m para magkasya sa pilak kasunod si Siti Aminah Binti Abdul Hadi (45.84m) ng Malaysia para sa tanso.
May dalawang ginto, anim na pilak at 12 tansong medalya ang Pilipinas sa Asean School Games para sa ikaanim na puwesto.
Nangunguna ang host Indonesia na may nalikom na 20 ginto, 20 pilak at 15 tanso kasunod ang Thailand (17-19-19), Malaysia (15-15-14), Singapore (6-4-11) at Vietnam (6-3-4).