Gilas U19 dapa sa Greece
MANILA, Philippines — Natalo na nalagasan pa ng isang higante.
Ito ang nangyari sa Gilas Pilipinas Youth team matapos makalasap ng 69-85 kabiguan sa host team Greece sa pagsisimula ng 2019 FIBA Under-19 World Cup sa Heraklion, Greece.
Sa nasabing laro ay nagkaroon si 6-foot-9 center AJ Edu ng torn anterior cruciate ligament (ACL) sa kanyang kanang tuhod na tuluyan nang nagpaupo sa kanya sa kabuuan ng torneo.
Nangyari ang injury ng 19-anyos na si Edu sa unang dalawang minuto ng labanan.
Sinabi ni George Yorobe, ang physical therapist ng Gilas Pilipinas Youth na dinala si Edu sa pinakamalapit na diagnostics hospital para sa isang MRI.
Sa initial findings ay sinabing nagkaroon si Edu ng ACL at meniscal tear sa kanyang kanang tuhod at may hairline fracture sa kanang femur bone.
Nangako naman ng solidong suporta si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio kay Edu.
“I sent him a message that the SBP is committed to help him get through this ordeal and we are behind him all the way,” wika ni Panlilio. “We will help him with whatever he needs.”
Nagtala si Edu ng 3 rebounds at 1 block bago nangyari ang nasabing injury.
Humakot naman si 7'2 Kai Sotto ng 13 points, 10 rebounds at 3 blocks para banderahan ang tropa habang may 13 at 12 markers sina Gerry Abadiano at Dave Ildefonso, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang No. 15 Greece ay sunod na lalabanan ng No. 30 Gilas Pilipinas youth squad ang No. 9 Argentina ngayon.