MANILA, Philippines — Napili ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ang Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) bilang “Athlete of the Month” para sa buwan ng Hunyo.
Nasungkit ng Go For Gold ang monthly honor bunga ng kanilang gold winning performances sa dalawang sunod na international events kabilang na sa Singapore at China noong nakaraang buwan.
Nag-uwi ang PCKDF nina president Jonne Go at coach Len Escolante ng dalawang ginto sa 2019 DBS Marina Regatta sa Singapore at sinundan ng dalawa pang ginto sa 2019 Beijing International Dragonboat Competition sa Beijing, China.
Tumapos ang Filipino team sa oras na 30.85 segundo upang talunin ang Chinese bet Dubula (2:39.88-sec) sa 500-m event at ang Beijing Fuxing Dragon Warriors (2:41.12). Sa 250-m event, nag-oras ang Pinoy paddlers ng 1:10.56 para angkinin ang ikalawang ginto.
Sa Singapore naman, nagtala ang mga Pinay paddlers ng 1:00.76 para sa ginto sa women’s 10-seater division at 10-seater mixed category.
Ang ibang kinukonsider sa buwan ng Hunyo ay sina Chino Tancontian at Patrick Manicad na nanalo ng gold medal sa 2nd Southeast Asian Sambo Championships sa Bandung, Indonesia at si Jordan Dominguez ng Mountain Province na nakakuha ng bronze medal sa World Taekwondo Poomsae Grand Prix sa Rome, Italy.
Ang TOPS ay siya ring presentor ng lingguhang ‘Usapang Sports’ forum tuwing Huwebes sa National Press Club na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), NPC, PAGCOR, CBA at may live streaming mula sa Glitter Livestream.