MANILA, Philippines — Asahan ang mainit na bakbakan sa paghaharap ng three-peat seeking Petron at wala pang talong Cignal sa pagdayo ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong hapon sa Muntinlupa Sports Center.
Masisilayan ang matinding aksiyon sa pagitan ng Blaze Spikers at HD Spikers sa alas-2:30 ng hapon habang magtutuos din ang two-time Grand Prix champion Foton at PLDT Home Fibr sa alas-4:30.
Target ng Petron na makabalik sa porma makaraang matalo ito sa F2 Logistics noong Huwebes sa iskor na 21-25, 25-17, 25-27, 19-25 dahilan upang mahulog sa 2-1 rekord.
Hirap ang Blaze Spikers na pigilan si Filipino-American spiker Kalei Mau na umiskor ng 21 kills at dalawang blocks para dalhin ang Cargo Movers sa 4-0 marka.
Sa kabila nito, hindi pa panic mode ang isip ni Petron coach Shaq Delos Santos dahil magandang pagkakataon ito upang matuto sa kanilang mga pagkakamali.
“It’s all part of the game, part of our learning process. Instead of pressing the panic button, we have to recover and go back to training. We need to plan our attacks and put everything into action on Saturday,” ani Delos Santos.
Reresbak para sa Petron sina Bernadeth Pons, Ces Molina, Mika Reyes, Remy Palma at Aiza Maizo-Pontillas kasama si playmaker Rhea Dimaculangan.
Inaasahang makalalaro na rin si Sisi Rondina na nagbakasyon sa Japan bilang bahagi ng kanyang reward sa pagpasok ng UST sa finals ng UAAP Season 81.