Blue Eagles tutuluyan ang Scorpions sa Game 4
MANILA, Philippines — Target ng Cignal-Ateneo de Manila University na dagitin ang kampeonato sa pagsagupa nito sa Centro Escolar University sa Game Four ng 2019 PBA D-League best-of-five championship series sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Blue Eagles at Scorpions ngayong alas-4 ng hapon.
Hawak ng Cignal-Ateneo ang 2-1 bentahe sa serye matapos kubrahin ang 67-52 panalo sa Game Three noong Huwebes.
Sa kabila nito, walang puwang ang pagiging kampante para kay Blue Eagles deputy coach Sandy Arespacochaga.
“We have to play each game and be present for each game. We can't look past every game and we have to make sure we do our job for the next game,” ani Arespacochaga.
Umaasang nasa perpektong kundisyon na si Conference MVP Isaac Go na galing sa sakit para tulungan ang Blue Eagles na tapusin na ang serye,
Makakatuwang ni Go sina Ivorian center Angelo Kouame, UAAP Season 81 Finals MVP Thirdy Ravena, at ang magkapatid na Matt at Mike Nieto.
Sa kabilang banda, overachieved na ang CEU na may pitong manlalarong natira sa line-up matapos masangkot sa game-fixing issue ang ilang players nito.
Subalit hindi basta-basta susuko ang Scorpions.
Inaasahang ilalabas ng koponan ang pinakamabagsik na kamandag para maipuwersa ang ‘rubber match’ sa serye.
“Like what I said before, these boys are already champions in my eyes. Whatever happens, we're just going to go out and try to give a hell of a fight to Ateneo,” sabi ni Scorpions mentor Derrick Pumaren.
Mabagsik ang CEU dahil nariyan si Senegalese center Maodo Malick Diouf ngunit hindi rin matatawaran ang dedikasyon nina Rich Guinitaran, Jerome Santos at Franz Diaz na tunay na nagbibigay ng solidong suporta sa tropa.
- Latest