Laro Ngayon(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. TNT Katropa vs Columbian
7 p.m. San Miguel vs Alaska
MANILA, Philippines — Kung hahataw ng 40 points si super import Terrence Jones ay tiyak na ang panalo ng TNT Katropa, ayon kay coach Bong Ravena.
“Tremendous game again for Terrence. Hopefully every game maka-40 up siya and it will be easier for us,” wika ni Ravena.
Sa 104-91 paggupo ng Tropang Texters laban sa Meralco Bolts ay kumamada si Jones ng 49 points at 18 rebounds.
Target ang pang-limang sunod na panalo, haharapin ng TNT Katropa ang Columbian ngayong alas-4:30 ng hapon sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Magkasosyo sa liderato ang NorthPort at TNT Katropa sa magkatulad nilang 6-1 record kasunod ang Blackwater (4-2), Alaska (4-3) at nagdedepensang Barangay Ginebra (3-3).
Nakalasap naman ang Columbian (1-4) ng 103-110 kabiguan sa Magnolia (2-2) na nagtampok sa 26 markers at 14 board ng bagong import na si Lester Prosper.
Si Prosper ang pumalit kay Kyle Barone.
Sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi ay magpipilit namang makabangon ang Alaska at San Miguel (1-3) mula sa kabiguan.
Nakalasap ang Beermen ng 107-110 overtime loss sa Gin Kings, habang nalusutan naman ang Aces ng Phoenix Fuel Masters, 76-78.
Samantala, kinuha ng Blackwater si Jameel McKay bilang kapalit ni Alex Stepheson.