Meijers hari ng 2019 Le Tour de Filipinas
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Mula sa paghahari sa Stage One ay hindi na binitawan ni Dutch rider Jeroen Meijers ng Taiyuan Miogee Cycling Team (China) ang overall lead.
Pormal na inangkin ng 26-anyos na si Meijers ang overall crown matapos magposte ng aggregate time na 20 oras, 38 minuto at pitong segundo sa pagtiklop ng 2019 Le Tour de Filipinas kahapon dito.
“That was really hard. Even though I lost some teammates we never lose control,” sabi ng 6-foot-2 na si Meijers. “We’re all together and I am very thankful because they helped me all throughout the race.”
Si Meijers ang umangkin sa Stage One 129,5-kilometer lap sa kanyang bilis na 3:06.59 sa Tagaytay City.
Napasakamay ni Meijers ang premyong $2,725 (P141,700.00) at hindi hinubad ang purple jersey hanggang sa pagtatapos ng Category 2.2 event na may basbas ng International Cycling Union (UCI) na inorganisa ng Ube Media, Inc.
Tinalo ni Meijers para sa overall crown sina Choon Huat Goh (20:38.52) ng Terengganu Cycling Team, Angus Lyons (20:39.45) ng Oliver’s Real Food Racing, Daniel Habtemichael (20:40.20) ng 7-Eleven Cliqq-Air21, Sandy Nur Hasan (20:40.32) at Aiman Cahyadi (20:40.39) ng PGN Road Cycling.
“Kailangang paghandaan nating mabuti next time kasi ang Le Tour de Filipinas ang parang Ms. Universe ng cycling. Kailangan ‘yung pambato natin ang manalo,” sabi ni Le Tour de Filipinas chairman Donna Lina.
Samantala, inangkin ng Go for Gold ang Best Filipino Team award kasunod ang Philippine National Team at 7-Eleven Cliqq-Air21.
- Latest