Laro sa Miyerkules(MOA Arena, Pasay City)
11:30 a.m. UAAP Individual Awards (Men’s)
12 noon NU vs FEU (Men’s Finals: Game 2)
3:30 p.m. UAAP Individual Awards (Women’s)
4 p.m.- UST vs ADMU (Women’s Finals: Game 2)
MANILA, Philippines — Humataw si Sisi Rondina ng 23 puntos upang iangat ang University of Santo Tomas Tigresses sa straight sets na panalo kontra sa Ateneo Lady Eagles, 25-17, 25-16, 25-20 kahapon at angkinin ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three Finals series sa Season 81 UAAP volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Sa kanilang matikas na laro, naging unstoppable ang leading MVP candidate na si Sisi Rondina at mga rookies na sina Kecelyn Galdones at Eya Laure para makamit ang kanilang unang panalo sa Lady Eagles simula pa noong 2012 sa harap ng mahigit 17,682 volleyball fans.
Umani ang Cebuanang si Rondina ng 20 atake, dalawang blocks at isang ace para ilapit ang isang paa ng UST tungo sa kanilang pang-17th titulo at una simula noong 2010.
“Nagpasalamat kami kay coach Kungfu Reyes dahil marami kami talagang natutunan sa kanya. Nag-response lamang kami sa mga itinuturo niya sa amin. Sa panalong ito, whatever it takes panindigan na talaga namin. Kami na naman,” ani Rondina.
Hindi inaasahan na magiging magaan para sa Tigresses ang unang dalawang sets na natapos sa loob ng mahigit 52 minuto lamang.
Nagpasiklab si Rondina ng malakas na atake sa ikatlong set para sa 21-20 bentahe tungo sa pagtatapos sa Game 1 ng serye sa loob ng 81 minuto lamang.
Target ng Tigresses na tapusin na ang serye at angkinin ang titulo sa Game 2 sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Samantala, sa men’s division humakbang palapit ang National University Bulldogs sa back-to-back championship title matapos padapain ang Far Eastern University Tamaraws, 21-25, 25-23, 25-23, 25-18 sa Game 1 ng kanilang best-of-three Finals series.
Umiskor ang MVP candidate na si Bryan Bagunas ng 18 puntos na may kasama pang 13 excellent receptions habang si James Natividad ay tumulong ng 16 puntos kabilang na ang 15 atake at isang ace at siyam na digs upang pangunahan ang serye, 1-0.
Tumapos din ng tig-10 puntos bawat isa sina Kim Malabnuga at Madz Gampong at 28 excellent sets naman mula kay rookie Joshua Retamar para maitala ang kanilang ika-15th sunod na panalo simula sa elimination round.
“Nagpapasalamat ako sa performance ng players namin. Medyo nagkaproblema lang kami sa first set sa adjustment talaga sa ginagawa ng kalaban. Buti na lang pagdating ng second set, third at sa fourth set naka-recover na kami. Sana magtuluy-tuloy hanggang sa second game,” sabi ni NU coach Dante Alinsunurin na hangad ang kanyang pang-apat na korona sa UAAP.