‘Di na pakakawalan ng Hotshots

Hangad ng Magnolia na tapusin ang kanilang championship series ng nagdedepensang San Miguel sa Game Six ng 2019 PBA Philippine Cup Finals ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Joey Mendoza

Laro Ngayon(Smart Araneta Coliseum)

6:30 p.m. Magnolia vs SMB

MANILA, Philippines — Matapos ang naka­kagulat na pagkaripas ni ‘Spiderman’ sa loob ng court sa Game Five noong Biyernes ay pipilitin ng mga Hotshots na isulat ang sarili nilang istorya.

Hangad ng Magnolia na tapusin ang kanilang championship series ng nagdedepensang San Miguel sa Game Six ng 2019 PBA Philippine Cup Finals ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kabila ng panggugulo ni ‘Spidey’ sa huling tatlong minuto ng fourth quarter ay nagawa ni ve­teran guard Mark Barroca na maisalpak ang kanyang game-winning jumper sa pagtunog ng final buzzer para ilusot ang Hotshots kontra sa Beermen, 88-86 sa Game 5  kamakalawa.

Tumapos si Barroca na may 22 points, 5 rebounds at 5 assists para sa Magnolia, nagkampeon noong 2018 PBA Governor’s Cup.

“If we limit them to a hundred points, we have a good chance to win. If they scored 100 points, they have a good chance to win,” sabi ni Hotshots’ coach Chito Victolero sa Beermen.

Ang panalo ang nagbigay sa Magnolia ng 3-2 bentahe at maaari nang wakasan ang kanilang best-of-seven titular showdown ng San Miguel kung maitatala ang ikalawang sunod nilang tagumpay.

Puntirya ng Hotshots ang kanilang pang-pitong All-Filipino Cup crown at ika-15 sa kabuuan.

Determinado naman ang Beermen, target ang pang-limang sunod nilang Philippine Cup title at ika-25 sa kabuuan, na maitabla ang serye patungo sa Game Seven sa Miyerkules sa Big Dome.

Humakot si five-time PBA MVP June mar Fajardo, nabangga sa panga ni ‘Spiderman’ nang tumakbo sa court sa huling 3:08 minuto ng laro, ng 21 points, ang 17 dito ay kanyang iniskor sa second half  at 22 rebounds para banderahan ang San Miguel.

Nagdagdag naman si Marcio Lassiter ng 20 markers.

Sa kabuuan ay nagtala ang Beermen ng masamang 28-of-94 fieldgoal shooting at naimintis ang 10 free throws.

Show comments