SMB, Magnolia unahang dumikit sa titulo

Inangkin ng Hotshots ang Game One, 99-94 at Game Three, 86-82 habang sinikwat naman ng Beermen ang Game Two, 108-101 at Game Four, 114-98 para itabla sa 2-2 ang 2019 PBA Philippine Cup Finals.

Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)

7 p.m. SMB vs Magnolia

MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng nagdedepensang San Miguel at Magnolia ang mahalagang 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series.

Inangkin ng Hotshots ang Game One, 99-94 at Game Three, 86-82 habang sinikwat naman ng Beermen ang Game Two, 108-101 at Game Four, 114-98 para itabla sa 2-2 ang 2019 PBA Philippine Cup Finals.

Ang mananalo sa Game Five ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum ang lalapit sa korona ng torneo.

Sa panalo ng San Miguel sa Game Four ay humakot si five-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 31 points tampok ang 13-of-14 fieldgoal shooting bukod sa 14 rebounds.

Bukod kay Fajardo, nagbigay din ng kanilang kontribusyon sina Terrence Romeo, Chris Ross, Arwind Santos, Alex Cabagnot at Christian Standhardinger para makaiwas sa 1-3 pagkakabaon sa serye.

“What I like with our team is the energy, focus, and pride. Iyon ang umiiral sa kanila ngayon,” sabi ni coach Leo Austria sa kanyang mga Beermen. “It’s a team effort and everybody was so focus.”

Hindi naman masaya si Hotshots mentor Chito Victolero sa kanilang na­ging depensa kay Fajardo, nakamit ang kanyang ikaanim na sunod na Best Player of the Conference award sa PBA Philippine Cup.

Inaasahang muling tatapikin ni Victolero sina Rafi Reavis, Ian Sangalang, Kyle Pascual at Aldrech Ramos para limitahan ang 6-foot-10 na si Fajardo.

Ang panalo ng San Miguel ang maglalapit sa kanila sa pang-limang sunod na All-Filipino Cup crown at ika-25 kampeonato.

Lalakas naman ang tsansa ng Magnolia na mahablot ang ika-15 titulo kung mananaig sa Game Five.

Show comments