BOSTON, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 39 points at 16 rebounds para banderahan ang Bucks sa 113-101 paggiba sa Celtics sa Game Four ng kanilang second-round playoff series.
Inilapit ng Milwaukee ang kanilang sarili para sa una nilang Eastern Conference Finals sapul noong 2001.
Kinuha ng Milwaukee ang 3-1 bentahe sa kanilang best-of-seven showdown ng Boston para sa ikatlong sunod na ratsada makaraang matalo sa series opener.
Maaari nang sibakin ng Milwaukee ang Boston sa Game Five sa Miyerkules.
Huling naglaro ang Bucks sa East Finals noong 2001 team sa pamumuno nina Ray Allen at Glenn Robinson kung saan sila natalo sa Philadelphia 76ers na pinangunahan nina Allen Iverson at Dikembe Mutombo.
Sa Houston, humataw si James Harden ng 38 points para pangunahan ang Rockets sa 112-108 paglusot sa Golden State Warriors at itabla sa 2-2 ang kanilang Western Conference semifinals series.
Nakabawi ang Houston mula sa 0-2 pagkakaiwan ng Golden State at maglalaro sa balwarte ng Warriors sa Miyerkules para sa Game Five.
Inilista ng Rockets ang nine-point lead bago nakalapit ang nagdedepensang kampeon sa 108-110 agwat tampok ang 3-pointer ni Stephen Curry sa natitirang 19 segundo sa fourth quarter.
Tumipa si Harden ng isang free throw sa huling 11.5 segundo para sa 111-108 abante ng Rockets, ngunit nagmintis si Kevin Durant sa kanyang 3-point attempt sa panig ng Wariors.
Nakuha ng Golden State ang rebound subalit nabigo si Curry sa 3-point line na nagresulta sa foul shot ni Chris Paul para selyuhan ang panalo ng Houston.