Laro Ngayon(FilOil Flying V Center)
3:30 p.m. ADMU vs FEU
MANILA, Philippines — Muling magtatagpo ang top seed Ateneo Lady Eagles at fourth seed Far Eastern University Lady Tamaraws ngayon upang pag-agawan ang huling Finals berth sa do-or-die match sa semifinals ng Season 81 UAAP volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Matapos mabigo sa unang paghaharap, 25-10, 23-25, 22-25, 25-12, 8-15 noong Sabado, inaasahan ang resbak ng Lady Eagles para pumasok sa Finals sa ika-pitong pagkakataon sa kanilang paghaharap sa alas-3:30 ng hapon.
Tangan ng Ateneo ang twice-to-beat edge sa semis bilang No. 1 team pagkatapos ng elimination round. Ang magwawagi ay sasagupa sa University of Santo Tomas Tigresses sa best-of-three Finals simula sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Bagama’t naagaw ng Lady Tamaraws ang momentum, sinisigurado pa rin ni coach Oliver Almadro na mararating pa rin nila ang asam na Finals stint tungo sa hangaring masungkit ang ikatlong women’s crown sa UAAP.
“There’s no doubt about it,” ani Almadro ng Ateneo na natalo rin sa FEU sa semifinals noong nakaraang taon.
Ang Lady Tamaraws ang may pinakamaraming titulo sa UAAP sa kanilang 29 championships simula noong 10th season (1948-1949), simula sa Final Four era noong 1994, nakakuha na rin ng pitong championship ang FEU kaya tiyak malakas ang tiwala ng tropa ni coach George Pascua.
Sasandal si FEU coach George Pascua sa graduating player na si Heather Guino-o matapos pangunahan ang unang panalo ng FEU sa Ateneo sa season na ito sa kanyang 17 puntos kabilang na ang walong atake, limang aces at apat na blocks.
“Marami pa kaming mga bagay na aayusin sa Game 2. Kasi I’m sure ibang Ateneo team ang makikita namin sa susunod na laro,” ayon kay Pascua.