MANILA, Philippines — Asam ng University of Santo Tomas Tigresses na manatiling buhay ang pag-asa sa twice-to-beat advantage sa pagharap sa National University Lady Bulldogs ngayon sa penultimate day ng Season 81 UAAP volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng Tigresses ang Lady Bulldogs sa alas-2 ng hapon at susundan ng laro ng University of the Philippines Lady Maroons at Adamson Lady Falcons sa alas-4 ng hapon.
Ngunit, kahit magwagi ang Tigresses sa Lady Bulldogs, wala pa rin sa kanilang kamay ang natitirang pag-asa dahil kailangan pa ring matalo ang three-peat champion DLSU sa FEU Lady Tamaraws bukas para makatabla sa Lady Spikers sa parehong 10-4 slate sa pagtatapos ng elims.
Sakali mang magtabla ang UST at DLSU sa parehong kartada, maghaharap sila sa isang playoff upang pag-agawan ang huling semis bonus.
Paborito ang Tigresses laban sa Lady Bulldogs dahil sa kanilang, 26-24, 25-17, 23-25, 25-17 panalo sa unang pagtatagpo noong Marso 9.
Sa iba pang senaryo, kung matatalo ang UST sa NU at magwawagi bukas ang FEU sa DLSU, magtatabla sa parehong 9-5 record ang Tigresses at Lady Tamaraws kaya maghaharap sila sa playoff para pag-agawan ang third spot habang ang Lady Spikers ay mananatli sa second spot at hawak na ang semis bonus.