F2 Logistics puro na
Laro Bukas (The Arena)
4:15pm Petron vs Cignal HD
7pm F2 Logistics vs PLDT
MANILA, Philippines — Mabilis na nasawata ng F2 Logistics ang PLDT Home Fibr matapos itarak ang 25-14, 18-25, 25-16, 25-22 desisyon para makalapit sa inaasam na finals slot sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumandera si reigning MVP Lindsay Stalzer na humampas ng 23 attacks tampok ang tatlong huling puntos ng Cargo Movers upang makuha ang 1-0 abante sa best-of-three semifinal series.
Maliban sa attacks, nakagawa rin ang American outside hitter ng tatlong aces at dalawang blocks para pamunuan ang Cargo Movers sa panalo.
“We knew PLDT was gonna be a strong team, they beat us once before in regular season so we started them hard we knew we need to serve tough to keep them out of the system. That’s what we did, we practice of serves this week and I think it showed tonight,” wika ni Stalzer.
Nagbigay naman ng solidong laro si Venezuelan MJ Perez na kumana ng kaliwa’t kanang atake para suportahan si Stalzer sa opensa gayundin sina middle hitter Aby Maraño at opposite spiker Ara Galang.
Makailang ulit tinutukan ni Cargo Movers mentor Ramil coach si playmaker Alex Cabanos na tila nangangapa pa rin sa kanyang role bilang starting setter.
Subalit nagawa pa rin nitong mabigyan ng magagandang sets ang Cargo Movers dahilan upang makalikom ito ng 59 attacks kumpara sa 53 ng Power Hitters.
Matibay din ang depensa ng F2 Logistics sa net para makakuha ng 8-3 edge sa blocking habang matatalim ang serves ng tropa upang makapagrehistro ng pitong aces.
Gayunpaman, nais ni Stalzer nang mas solidong laro partikular na sa blockings.
Inaasahang tututukan din ng F2 Logistics ang 20 errors na nagawa nito.
- Latest