MANILA, Philippines — Patuloy ang magandang ratsada ni Filipino-Canadian Alex Pagulayan upang umabante sa quarterfinals ng 2019 World Pool Masters sa Victoria Stadium sa Gibraltar.
Kinailangan ng 2004 World 9-Ball champion na si Pagulayan na ilabas ang malalim niyang karanasan upang itakas ang 7-6 panalo laban kay Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei.
Mapapalaban si Pagulayan sa Final 8 kontra kay 2017 Aramith Masters champion Eklent Kaci ng Albania, ginulantang si Jayson Shaw ng Scotland, 7-2.
Nakahirit din ng tiket sa quarterfinals sina David Alcaide ng Spain, Shane Van Boening ng Amerika, Alexander Kazakis ng Greece, Matt Edwards ng New Zealand, Albin Ouschan ng Austria at Skyler Woodward ng Amerika.
Iginupo ni Alcaide si Niels Feijen ng Netherlands (7-3), pinatalsik ni Van Boening si Han Yu ng China (7-6), tinalo ni Kazakis si Justin Sajich ng Australia (7-3), wagi si Edwards kay Konrad Juszczyszyn ng Poland (7-6), nanaig si Ouschan kay Joshua Filler ng Germany (7-6) at namayani si Woodward may Fedor Gorst ng Russia.
Maliban sa Pagulayan-Kaci game, magtatapat sa quarterfinals sina Alcaide at Van Boening gayundin sina Kazakis at Edwards, at sina Ouschan at Woodward.
Gagamitin ang race-to-seven format hanggang quarterfinals habang race-to-eight ang semifinals at race-to-nine ang finals.