‘Di Matibag!
Blaze Spikers itinumba ang lifesavers
Laro Bukas (The Arena)
2pm UVC vs Cignal
4:15pm Petron vs Sta. Lucia
7pm Foton vs F2 Logistics
MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng nagdedepensang Petron matapos gulpihin ang Generika-Ayala, 25-23, 25-13, 25-21 upang mapatatag ang kapit sa solong pamumuno sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umarangkada na naman sina super imports Katherine Bell at Stephanie Niemer na siyang nanguna sa atake ng Blaze Spikers na sumulong sa 12-0 rekord - dalawang panalo na lamang para masiguro ang 14-game sweep.
Solido rin sina setter Rhea Dimaculangan at libero Denden Lazaro na nagtulong para bigyan ng magandang set plays sina Bell at Niemer.
Maganda rin ang kontribusyon nina opposite hitter Aiza Maizo-Pontillas, at middle blockers Remy Palma at Mika Reyes para mas maging maangas ang galaw ng Blaze Spikers sa loob ng court.
“Laging sinasabi ni Kath and Steph na teamwork pa rin. Hindi lang dapat sila yung gagalaw. For us, kailangan rumeceive kami ng maayos para maka-atake sila. Lahat kami kailangan gumalaw and we’re very lucky na sila ang kasama namin inside the court,” ani Reyes na gumawa ng 11 attacks at tatlong aces.
Mabagsik ang Blaze Spikers na nagbaon ng 45 puntos sa attack line – malayo sa 33 atake na nagawa ng Lifesavers.
Nakaungos din ang Petron sa blocks (6-3) at aces (6-5). Mas mababa rin ang nagawang errors ng Blaze Spikers (16) kumpara sa Lifesavers (18).
Tuluyan nang lumabo ang pag-asa ng Generika-Ayala na makahirit ng twice-to-beat card sa quarterfinals matapos mahulog sa 4-8 marka.
Sa ikalawang laro, iginupo ng Cignal HD ang PLDT Home Fibr, 25-16. 25-23, 17-25, 25-18 upang sumalo sa ikatlong puwesto.
Pareho nang may 7-6 rekord ang HD Spikers at Power Hitters.
Samantala, nakabalik na sa bansa si 6’5 Jaja Santiago upang tulungan ang Foton sa kampanya nito.
Galing si Santiago sa kampanya sa Volleyball Premier League sa Japan kasama ang Ageo Medics.
- Latest