SEAG basketball sa MOA na
MANILA, Philippines — Ang Mall of Asia Arena sa Pasay City ang magsisilbing opisyal na venue ng basketball competitions sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Pormal nang inanunsiyo ni Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) head Tats Suzara ang magandang balita kahapon matapos makipagkasundo ang organisasyon sa SM management na siyang nangangalaga sa MOA Arena.
Nakipagpulong si Suzara kay SM Lifestyle COO Herman Medina-Cue para siguruhin na may magandang venue ang basketball sa SEA Games – ang isa sa pinakaaabangang event ng mga Pinoy fans.
Nagpasalamat naman si Suzara sa pamunuan ng venue sa mabilisan nitong pagtugon at patuloy na pagsuporta sa mga atletang Pilipinong sasabak sa SEA Games.
“It’s very fruitful, very successful, and confirmed. One big thing has been resolved today. They’ve been supporting our cause and they’ve been holding world class events here. For me, they’re the only world class venue in the Philippines,” ani Suzara.
Nauna nang inihayag na sa The Arena sa San Juan City idaraos ang basketball competitions.
Ngunit umani ito ng kaliwa’t kanang batikos dahil maliit ang The Arena na nagtataglay lamang ng mahigit 5,000 kapasidad kumpara sa MOA Arena na kayang magpasok ng 20,000 manonood.
Maliban sa basketball, sa MOA rin gaganapin ang ice hockey at ice skating competitions. Sa The Arena idaraos ang 3x3 basketball competitions.
- Latest