MANILA, Philippines — Dumiretso ang NLEX sa kanilang ikalawang sunod na ratsada para buhayin ang kanilang pag-asa sa eight-round quarterfinal round.
Bumandera sina Philip Paniamogan at Bong Galanza sa 122-101 paggupo ng Road Warriors laban sa Blackwater Elite sa 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikaapat na panalo ng NLEX sa kanilang siyam na laro kasabay ng pagsibak sa Blackwater, may 2-8 baraha.
Tumapos si Paniamogan na may 25 points tampok ang 5-of-9 shooting sa three-point range habang may 18 markers si Galanza kasama ang limang triples para sa Road Warriors.
“Iyong mga three-points namin talagang pinapraktis namin ‘yun. Nagtiwala lang sila sa akin,” sabi ni Paniamogan, nagtala rin ng 9 assists.
Kaagad itinala ng NLEX ang 10-point lead, 21-11 sa opening period hanggang iposte ang 16-point advantage, 55-39 mula sa dalawang free throws ni Cyrus Baguio sa natitirang 42 segundo bago ang halftime.
Lalo pang ibinaon ng tropa ni coach Yeng Guiao ang Blackwater sa 84-55 mula sa fastbreak layup ni Paniamogan sa 4:47 minuto ng third quarter.
Ngunit nagsumikap ang Elite sa pangunguna ni Allen Maliksi para ibaba ang naturang kalamangan ng Road Warriors sa 86-95 sa 8:13 minuto ng final canto
Isang maikling 15-1 atake ang pinakawalan ng NLEX sa likod nina Paniamogan, Galanza at Kenneth Ighalo para muling makalayo sa 110-90 sa huling 3:20 minuto ng bakbakan.
At mula rito ay hindi na nakabangon ang Blackwater.