MANILA, Philippines — Tutumbok sina dating world champion Alex Pagulayan at Jeffrey De Luna sa prestihiyosong 2019 World Pool Masters na idaraos sa Marso 29 hanggang 31 sa Victori Stadium sa Gibraltar.
Kasama sina Pagulayan at De Luna sa 24 manlalarong kwalipikadong maglaro sa World Pool Masters na may basbas ng World Pool-Billiard Association.
Lalarga rin sa torneo sina Niels Feijen ng Netherlands, Han Yu ng China, Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei, Jayson Shaw ng Scotland, Alexander Kazakis ng Greece, Konrad Juszczyszyn ng Poland, Joshua Filler ng Germany at Skyler Woodward ng Amerika na siyang Top 8 seeded players.
Pasok din sina Shane Van Beoning ng Amerika, Kelly Fisher ng Great Britain, Fedor Gorst ng Russia, Naoyuki Oi ng Japan, Chris Melling ng Great Britain, Matt Edwards ng New Zealand, Klenti Kaci ng Albania, Earl Strickland ng Amerika, Wu Jiaqing ng China, Petri Makkonen ng Finland, Justin Sajich ng Australia, Albin Ouschan ng Austria, David Alcaide ng Spain at Francisco Sanchez-Ruiz ng Spain.
Unang makakaharap ni Pagulayan si Wu habang sasagupain ni De Luna si Ouschan sa hiwalay na bakbakan.
Nakatakda rin ang duwelo nina Van Boeing at Fisher, Gorst at Oi, Melling at Edwards, Kaci at Strickland, Makkonen at Sajich, at nina Alcaide at Sanchez-Ruiz.
Awtomatikong umusad sa second round ang seeded players na sina Feijen, Han, Ko, Shaw, Kazakis, Juszczyszyn, Filler at Woodward.
Sakaling umusad sa second round, makakatipan ni Pagulayan si Ko habang sasagupain ni De Luna si Filler.